December 20, 2006

Ilocana speaking

Kung meron man akong nais balikan sa QC e yung DSL internet ko. Grabe, nagdownload ako ng breaking free at alas dos na ng umaga e wala pa rin! Mmm, nagsimula lang naman ako ng 1:25am. Pero naman. It's too late! 11 o clock ang oras ng pagtulog ko.

Iniingat ingatan ko nga ang aking body clock e. Simula pa noong bata ako. Talagang umiiyak ako noon pag di pa ako tulog ng 8:00 o 9:00 depende sa kung kelan nangyari yon. At siyempre, lalo namang di ako nakatutulog di ba.

Ngayon, dahil nabasa ko na sa Reader's Digest na, susunod na maganda sa tulog, e pwede na raw na nakahiga ka na di gumagalaw para mabigyan ng pahinga ang iyong katawan sa gabi.

Minsan, sa dorm, pag natataon na nag coke ako ng hapon o kape o tsaa o kahit anong may caffeine, alas kuwatro na e nakatingin pa rin ako sa kisame. Di naman pwedeng mag aral kasi lumulutang na ang utak ko sa ere. At lalong di naman makatulog.

Ngayon sirang sira na.

Ganito kasi yon, noong umuwi akong La Union, diretso ako galing sa Christmas party naming magkakaklase. Medyo lang alas sais na yata noong nakarating kami ng Katipunan. Kumain ako saglit sa McDo tapos nag ayos ng gamit tapos pumunta na sa istasyon ng bus. Pagkarating ko ng bahay, mga alas kuwatro siguro ng hapon. Tumawag ako kay homer para awayin siya dahil sa hindi pagsagot sa mga text ko. Pagkatapos non humiga na. Siyempre nakabitin yung paa ko kasi di ko tinanggal yung sapatos ko. Nagising ako ng alas singko na yata ng hapon. Mmm, kinabukasan to ha. A, gumising naman pala ako para hubarin yung medyas at sapatos ko. Para makasampa ako nang maayos sa higaan.

Lagi na akong alas diyes nagigising mula noon at alas dos natutulog pero dapat magkakape ako (na ang sarap na ng timpla ngayon, with Ovaltine and cinnamon, yeba!)

Kahapon naman ayokong magkape. At aba, alas siyete, di pa ko kumain ng hapunan, nakatulog na ko at siyempre gumising ulit ng alas diyes kinabukasan. Bumabawi ata ang katawan ko.

Masaya na sana. Pero kanina, isang oras na siguro akong gising pero nakahilata pa rin sa kama at katext si homer, biglang nagtext ang kaklase ko at may tinanong. Tungkol sa Labor, men. Medyo nakonsensiya ako kaya sabi ko sa sarili ko, kailangan ko na magkape para mag aral na rin.

Pero men, tamo naman ang ginagawa ko ngayon, pagkahabahabang blog, pagkahabahabang pagdownload ng breaking free. Nakita ko lahat ng blog sa favorites ko. Pati mga larawan ni KC na namamalengke sa France e.

Gutom na nga ako e. Kaso, 9 na rin ako kumain. Ganon kasi talaga ang buhay namin dito. Ang nanay ko kasi ganong oras ang uwi. Uwi ng babaeng hindi disente. Haha. Hindi naman. May social life kasi. May badminton, bowling, ballroom at kung anu ano pa. Nananalo nga raw siya at ang team niya e. Kanina nga alas onse na, tinawagan ko na. Ayun at pauwi pa lang raw.

Samantalang ako, buong bakasyon, andito lang sa bahay. Pag nagbowling panay kanal. Ni hindi matamaan ang shuttle cock. Hindi sumasayaw dahil bata pa lang ako, inapi na ang dancing skills ko. (Pero okay lang, napanood ko na naman ang Pride and Prejudice at The Count of Monte Cristo. Wala kasi akong mga bagong DVDs. Matanda na kasi ako, so ang aking Christmas money ay pinambili ko ng mga regalo sa mga batang kailangan kong regaluhan.)

Sa totoo lang, ang pangarap ko naman e maging swimmer, parang si Ian Thorpe ba. Minsan tinanong ako kung lumalangoy ako. Kako, hindi. Bwahahahahaha.

Nakakaawa no. Pero ang totoo, alam ko naman pong lumangoy, wala lang akong lakas ng loob. Sa 5ft pool lang ako pwedeng mag freestyle at backstroke. Pag mas malalim na roon o pag gumagalaw na yung tubig, tatayo na lang ako.


Kaya eto ako ngayon, lulutang lutang. Masaya naman. In love.

No comments: